Your Cart

Grassroots Feminist Dictionary

On Sale
PHP0.00
Free Download
Added to cart

Ang Southeast Asia Feminist Action Movement (SEAFAM) ay samahan o network ng mga organisasyong feminista sa Timog-Silangang Asya. Ang SEAFAM ay inisyatiba ng Perkumpulan Lintas Feminis Jakarta (Jakarta Feminist), isang grupong feminista na nagsusulong sa proteksiyon at pagpapairal ng mga karapatan ng kababaihan at iba pang minoridad at marhinalisadong grupo sa Jakarta, Indonesia. Sa pakikipagtulungan sa KRYSS Network (Malaysia) at Gantala Press (Pilipinas), unang nilayon ng network na ito na buuin at patatagin ang kilusang feminista sa Timog-Silangang Asya nang may tuon sa Indonesia, Malaysia at Pilipinas na pawang kumakaharap sa maraming pagsubok sa kilusang feminista at progresibong pulitika.


Isa sa mga pagsubok na kinakaharap ng kilusang feminista sa Timog-Silangang Asya ay wika. Ang wika ay kagamitang pangkomunikasyon ng isang komunidad at lubhang mahalaga. Kung ang ginamit na wika ay hindi nauunawaan, magkakakaroon ng bara sa komunikasyon. Maiaangkop din ito patungkol sa kilusang feminista sa Timog-Silangang Asya. Madalas, ang wikang ginagamit sa pagpapaliwanag ng mga isyu at termino ng feminismo ay dayuhang wika na pinangingibabawan ng Ingles. Nagbibigay-daan ito sa kakulangan ng lokal na mga salita para sa kilusang feminista.


Malaon nang nahihirapan ang mga aktibistang feminista na nagsusumikap maunawaan at gampanan ang mga feministang prinsipyo, konsepto, at teorya na isalin ang kumplikadong mga kaisipan, lalo na sapagkat maraming batis ay nasa Ingles. Nagreresulta ito sa mga guwang (gaps) sa pag-unawa at pagpapatupad ng mga konsepto, hanggang sa humantong sa kawalan ng balanse sa kilusan.


Kung gayon, ang Perkumpulan Lintas Feminis Jakarta, KRYSS Network at Gantala Press ay nagtatangkang bumuo ng isang grassroots na diksyunaryong feminista bilang batis ng impormasyon para sa mga aktibistang feminista sa Indonesia, Malaysia at Pilipinas ukol sa wika, mga salita, at pangungusap na mahirap unawain, isalin, o ipaliwanag. Umaasa kaming ang diksyunaryong ito ay makapagsisilbing mainam na instrumento na makatutulong sa mga aktibistang feminista na magsulong ng mga isyung feminista sa mas payak at malinaw na wika, angkop sa umiiral na kontekstong lokal.


Sa hinaharap, patuloy kaming magpupunyagi na paunlarin ang diksyunaryong ito at madagdagan ang nilalaman nito, upang ang gamit nito ay mapalawak at maging mas inklusibo. Pagbati sa paggamit ng diksyunaryong feminista!


Sumasainyo,

Perkumpulan Lintas Feminis Jakarta, KRYSS Network at Gantala Press Hunyo 2022

You will get a PDF (829KB) file