BULAWAN (Si Paeng sa Gubat ng Liwanag)
Si Paeng ay batang mas gustong maglaro ng “labanan” ng mga gagamba kaysa mag-aral. Tinatakasan niya lagi si Lola Rosa para makapaglaro. Sa likod ng malapad na puno ng Pili ang taguan niya. Doon din niya nakausap ang isang matanda, na hindi nagustuhan ang hindi niya paggamit ng “po” at “opo.” Wala raw siyang galang sa nakatatanda kaya parurusahan siya nito. Biglang nag-utos ang matanda: “Pinto, magbukas ka at papasukin ang batang ito!”
Gulat na gulat si Paeng nang ang katawan ng puno ng Pili ang nagbukas at tinangay siya. Sa isang kakaibang lugar siya bumagsak—ang Gubat ng Liwanag, isang mundong puno ng hiwaga at mga alitaptap.
Para makalabas sa gubat at makabalik sa mundo niya, kailangan ni Paeng na maglakbay at pagdaanan ang parusa raw niya. Isang nagsasalitang alitaptap ang sumama sa kanya. Pero sa unang hakbang pa lang niya sa Gubat ng Liwanag, umahon na ang mga ugat ng puno at sinugod siya!
Paano na? Makalabas pa kaya siya sa mahiwagang gubat na iyon?